Friday, May 31, 2013
Ang doktrina ng Santisima Trinidad (Holy Trinity)
Ang doktrina ng Santisima Trinidad (Holy Trinity) na marahil ang isa sa pinakamahirap maunawaan sa lahat ng doktrina ng Simbahan. Itinuturo sa doktrinang ito na ang Diyos ay may tatlong persona -- ang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo, ngunit may iisa lamang na Diyos.
Ang Diyos Ama, Siya ang Makapangyarihang Manlilikha, Ang Anak, Siya si Jesus, ang nag-iisang katawang-tao ng Diyos at ang Espiritu Santo na nananahan sa puso ng mga mananampalataya.
Isang paghahalintulad sa tatlong persona ng Diyos na may tatlong katauhan, halimbawa ay ang ilog, dagat at lawa. Ang mga ito ay magkakaibang anyo ng iisang bagay -- ang tubig. Ang isang tao naman ay maaaring maging isang ama, anak at asawa, ngunit kulang ang mga ito upang ipaliwanag ng lubusan ang misteryo ng Diyos na may tatlong persona.
Ngunit bakit nga ba tayo naniniwalang may tatlong persona ang Diyos? Ito ay sa dahilang inihayag ito sa atin ni Kristo. Sa Ebanghelyo ni San Juan, sinabi ni Jesus: “Dadalangin ako sa Ama, at bibigyan Niya kayo ng isa pang Patnubay, ang Espiritu ng Katotohanan na makakasama ninyo magpakailanman.” (Juan 14:16)
At sa huling utos ni Kristo: “Humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa; bautismuhan ninyo sila sa ngalan ng Ama, at ng Anak at ng Espiritu Santo.”(Mateo 28:19).
Ipinaliliwanag ng maikling siping ito sa Bibliya ang Diyos na may tatlong persona.
Maaari nating sabihin na alam natin ang tungkol sa Diyos bilang tatlong persona, ngunit paano natin Siya madarama bilang Diyos na may tatlong persona?
Ipinakita ng may tatlong personang Diyos ang Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesukristo. “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na anak upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”(Juan 3:16)
Mararanasan natin ang buhay na Diyos, ang Santisima Trinidad sa pamamagitan ng pagpapakita natin ng pag-ibig at pagkalinga sa ating kapwa lalo na sa mga higit nanangangailangan kaysa sa atin.
Mararanasan din natin ang Diyos sa pamamagitan ng tahimik na pamumuhay, pagkakasundo at pagkakaisa.
Subscribe to:
Posts (Atom)